Halimbawa ng Isang Suring-Basa
ISANG SINING
isinalin ni Louie Jon A. Sanchez
Mula sa ‘One Art’ ni Elizabeth Bishop
Sinuri ni Maria Theresa A. Perilla (Guro sa Filipino 10)
1.
PAGKILALA SA MAY-AKDA (Ito ay hindi nangangahulugan ng pagsusuri sa pagkatao
ng may-akda kundi sa mga bagay na nag-uudyok sa kanya upang likhain ang isang
akda.)
Sa panitikan ng Europa, kinilala bilang isang mahusay
at mahalagang manunulat ng tula ng ika-20 siglo si Elizabeth Bishop. Isa sa 101
tulang naisulat niya ang ‘One Ar’t o ‘Isang Sining’ na kasasalaminan ng
malalalim na paglalarawan sa pisikal na mundo at mga karanasan ng tao. Tulad ng
nasabing tula, naging karaniwang tema
rin ng kanyang mga berso ang pakikipagtunggali sa sarili, mga pighati at
pangungulila ng isang tao. Naimpluwensyahan din ang kanyang mga tula ng kanyang mga paglalakbay.
Ang mga nag-udyok sa kanya upang maisulat ang akda ay
ang mga malulungkot niyang karanasan simula pagkabata tulad ng maagang
pagkamatay ng kanyang ama dahilan upang mawala sa katinuan ang kanyang ina
hanggang sa maulila na siya ng parehong magulang niya. Nakaranas din siya ng pagkabigo sa larangan ng
pag-ibig.
2. URI NG
PANITIKAN (Pagtukoy sa mga anyo ng
panitikang sinulat sa himig o damdaming taglay nito.)
Ginamit ng manunulat ang ‘villanelle’ (tulang nagmula sa Italya at Pransya) upang
ihayag ang kanyang mga kaisipan at saloobin ukol sa pagkawala o pagwawaglit. Sa kayarian ng tula, isinaalang-alang ang sukat
at tugma ng isang‘villanelle’. Ito ay may labinsiyam na taludtod na nahahati
sa limang terseto at isang kuwarteto. Binubuo ito ng dalawang inuulit na tugma at dalawang repran. Paulit-ulit na
binanggit ang mga taludtod na: “Ang sining ng pagwawaglit ay di mahirap tupdin.” At “Wala sa mga ito ang
nakasasakuna.” Nakatulong ang paggamit ng sukat at tugma upang mapaganda ang pagbigkas ng tula. Nagbibigay rin ito ng himig at
indayog sa tula.
Ang
paggamit ng pili, angkop at maririkit na mga salita gayundin ng matatalinghagang
pananalita at simbolismo ay nakatulong
tungo sa kasiningan at kariktan ng tula. Nakapupukaw rin ito ng damdamin at
kawilihan ng mga mambabasa. Halimbawa, ang taludtod na “Ang sining ng
pagwawaglit ay di mahirap tupdin .” ay halimbawa ng tayutay na simili o
pagtutulad kung saan ang pagwawaglit ay itinulad sa isang sining na napahuhusay
ng isang tao kung patuloy ang pag-eensayo. Gumamit naman ng pagpapalit-tawag sa
“Tanggaping nawala ang mga susi…”. ‘Susi’ ang salitang ginamit sa halip na mga
tao, bagay o pangyayaring makapagsasabi ng kanyang nawalang katauhan.
3. LAYUNIN NG
AKDA (Pagsusuri sa kahalagahan ng
akda kung bakit isinulat. Layunin ba nitong magpakilos o manghikayat,
magprotesta at iba pa.)
Ang akda ay naglalayong magturo sa mga mambabasa kung
paano tanggapin ang mga bagay o pangyayaring lumipas at tuluyan nang nawala sa
kanyang buhay.
PAGLALAPAT
NG TEORYANG PAMPANITIKAN: Mailalapat ang TEORYANG IMAHISMO sa tula. Ito ay
teoryang naglalayong mabisang mailarawan ang mga kaisipan at damdamin sa akda
sa pamamagitan ng paggamit ng mga imahe: ang nawalang susi; ang nasayang na
oras; mga lugar na napuntahan; ang nawalang relo ng kanyang ina; ang
pinakamamamahal na tahanan; ang dalawang magagandang lungsod; kaylawak na mga
lupalop; dalawang ilog; at isang kontinente.
Maaari ding mailapat ang
TEORYANG BAYOGRAPIKAL sapagkat higit mong mauunawaan ang tula kung aalamin mo
ang mga karanasang nag-uyok sa may-akda upang mabuo ito.
4.
TEMA O PAKSA NG AKDA (Ito ba ay makabuluhan, napapanahon, at mag-aangat o tutugon sa
sensibilidad ng mga mababasa?)
Ang tema ng tula ay tungkol
sa mga sumusunod: di pagsasayang ng oras, paglimot sa nakaraan, pagsisikap para
sa kasalukuyan, pag-ahon sa pagkakalugmok, at pagpapahalaga sa mga aral na
natutuhan mula sa mapapait na karanasan.
5.
MGA TAUHAN/ KARAKTER SA AKDA (Ang karakter ba’y anyo ng mga taong likha ng
lipunang ginagalawan, mga taong di pa nalilikha sa panahong kinabibilangan o
mga taong nilikha, nagwasak, nabuhay o namatay.)
Ang persona ay tumutukoy sa nagsasalita sa tula.
Gumamit ng unang panauhan ang may-akda upang ihayag ang naranasang mga dagok sa buhay tulad ng
matitinding kalungkutan at pagkabigo. Paulit-ulit itong nasasaktan kaya
nakasanayan na niyang gawin ang paglimot.
6.
TAGPUAN/PANAHON
(Binibigyang-pansin sa panunuring pampanitikan ang kasaysayan, kapaligiran at
panahong saklaw ng isang akda bilang mga saksi ng kalagayan o katayuan ng isang
indibidwal ng kanyang kaugnayan sa kapwa at lipunan.)
Nabanggit sa unang talata na naimpluwensyahan ng mga
karanasan at paglalakbay ng may-akda ang kanyang tula kaya masasabing ang
tagpuan at panahon ay makatotohann.
Matagal na panahon nang naisulat ang
tula ngunit ang mga pangyayari dito ay maaaring maganap saan mang sulok ng mundo/ ano mang oras o panahon.
7.
NILALAMAN O BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI (Isa bang gasgas na pangyayari ang inilahad sa akda?
May kakaiba ba sa nilalamang taglay? Dati o luma na ba ang mga pangyayari o may
bagong bihis, anyo, anggulo o pananaw? Paano binuo ang balangkas ng akda? May
kaisahan ba ang pagkakalapit ng mga pangyayari mula simula hanggang wakas? May
nautuhan ka ba sa nilalaman ng akda?)
Kapag binasa mo ang tula, makikita mong
mula sa pangkalahatang pagtingin ay unti-unti itong nagiging malalim at mababakas mo ang personal na buhay ng persona.
Ang ilang pangyayaring isinalaysay sa tula ay di
karaniwan . Halimbawa, ang paglimot ay mahirap ngunit sa tula sinasabing ito ay
madaling gawain lamang. Positibo at nagbibigay ng pag-asa ang may-akda sa
paulit-ulit niyang pagbanggit sa pahayag na “Ang sining ng pagwawaglit ay
di mahirap tupdin.”
8.
MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA (Ang isang akdang pampanitikan ay nagtataglay at
nagpapaliwanag sa mga kaisipang umiiral, tinatanggap at pinatutunayan ng mga
tiyak na sitwasyon o karanasan. Maaari ding ang mga kaisipang ito ay
salungatin, pabulaanan, magbago o palitan. Ito ba ay mga katotohanang
unibersal, likas sa tao at lipunan, mga batas sa kalikasan, sistema ng mga
ideya o paniniwalang kumokontrol sa buhay? Mahalagang masuri sa akda ang mga
kaisipang ginamit na batayan sa paglalahad ng mga pangyayari.)
Ang mga sumusunod ay mga ideya o
kaisipang nakapaloob sa tula:
·
Ang oras, ‘pag di mo pinahalagahan, unti-unti itong
nasasayang.
· Mahirap mawaglit sa isipan ang mga bagay at pangayayaring
nag-iwan ng magaganda at/o mapapait na alaala sapagkat ito’y nagbibigay ng aral
sa buhay
· Dapat tanggapin ang mga bagay na naglalaho at mapapait
na alaala ngunit patuloy na magsanay na makaligta maliban sa mga aral na
natutuhan
9.
ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA (Epektibo ba ang paraan ng pagkakagamit ng mga
salita? Angkop ba ang antas ng pang-unawa ng mga mambabasa sa pagkakabuo ng
akda? May bias ba kaya ang istilo ng pagkakasulat sa nilalaman ng akda?
Masining ba ang pagkakagawa ng akda? Ito ba’y may kahalagahang tutugon sa
panlasa ng mambabasa at sa katangian ng isang mahusay na akda?)
Sa
unang pagbasa, tila mahirap tanggapin ang mga ipinahayag ng manunulat ngunit
nang lumaon ay napatunayan niyang tumpak
ang mga ito dahil sa mga pangyayaring kanyang inilahad sa bawat saknong.
Sa kabila ng kapayakan ng mga ginamit na salita,
nanatiling malalim ang nilalaman at masining ang pagkakagawa ng tula. Nakatulong din ang paggamit ng mg simbolismo at mga
imahe sa paglalarawan.
Hindi madali ang bumuo ng isang
‘villanelle’ simula sa bilang ng mga taludtod at saknong nito maging ang tugmaan at repran ay komplikado kayat masasabi kong
mahusay ang pagkakalikha ng tula.
10. BUOD (Hindi kailangang ibuod nang mahaba ang istorya ng
akda. Ang pagbanggit sa mahahalagang detalye ang bigyang-tuon.)
Ang tula ay tungkol sa isang taong nakaranas ng mga
pagkabigo at malulungkot na pangyayari sa kanyang buhay ngunit nang lumaon,
dahil paulit-ulit, naging matatag siya at
natutuhang labanan ang sakit at hirap na nararamdaman. Natutuhan niyang
ang sining ng pagwawaglit ay di mahirap tupdin… J
Sanggunian: binibiningarcie.blogspot.com
Napakalaking tulong po nito sa naging pagtalakay namin! More power!
TumugonBurahinAno po ang mensahe ng tula?
TumugonBurahinNakakatulong po ito sa topic namin . Hindi ko po kasi na intindihan dahil mahirap ang mga salita intindihin
TumugonBurahinReal Nice Thank you!
TumugonBurahin