Sabado, Enero 14, 2017

Isang Sining (Halimbawa ng Isang Suring-Basa)

Halimbawa ng Isang Suring-Basa


ISANG SINING
isinalin ni Louie Jon A. Sanchez
Mula sa ‘One Art’ ni Elizabeth Bishop
Sinuri ni Maria Theresa A.  Perilla (Guro sa Filipino 10)

1.     PAGKILALA SA MAY-AKDA (Ito ay hindi nangangahulugan ng pagsusuri sa pagkatao ng may-akda kundi sa mga bagay na nag-uudyok sa kanya upang likhain ang isang akda.)

Sa panitikan ng Europa, kinilala bilang isang mahusay at mahalagang manunulat ng tula ng ika-20 siglo si Elizabeth Bishop. Isa sa 101 tulang naisulat niya ang ‘One Ar’t o ‘Isang Sining’ na kasasalaminan ng malalalim na paglalarawan sa pisikal na mundo at mga karanasan ng tao. Tulad ng nasabing tula, naging karaniwang  tema rin ng kanyang mga berso ang pakikipagtunggali sa sarili, mga pighati at pangungulila ng isang tao. Naimpluwensyahan din ang kanyang mga tula ng  kanyang mga paglalakbay.
Ang mga nag-udyok sa kanya upang maisulat ang akda ay ang mga malulungkot niyang karanasan simula pagkabata tulad ng maagang pagkamatay ng kanyang ama dahilan upang mawala sa katinuan ang kanyang ina hanggang sa maulila na siya ng parehong magulang niya.  Nakaranas din siya ng pagkabigo sa larangan ng pag-ibig.

2.     URI NG PANITIKAN (Pagtukoy sa mga anyo ng panitikang sinulat sa himig o damdaming taglay nito.)

              Ginamit ng manunulat ang ‘villanelle’  (tulang nagmula sa Italya at Pransya) upang ihayag ang kanyang mga kaisipan at saloobin ukol sa pagkawala o pagwawaglit. Sa  kayarian ng tula, isinaalang-alang ang sukat at tugma ng isang‘villanelle’. Ito ay may labinsiyam na taludtod na nahahati sa limang terseto at isang kuwarteto. Binubuo ito ng  dalawang inuulit na tugma at dalawang repran. Paulit-ulit na binanggit ang mga taludtod na: “Ang sining ng pagwawaglit ay di mahirap tupdin.” At “Wala sa mga ito ang nakasasakuna.” Nakatulong ang paggamit ng sukat at tugma upang mapaganda ang pagbigkas ng tula. Nagbibigay rin ito ng himig at indayog sa tula.
   
                 Ang paggamit ng pili, angkop at maririkit na mga salita gayundin ng matatalinghagang pananalita  at simbolismo ay nakatulong tungo sa kasiningan at kariktan ng tula. Nakapupukaw rin ito ng damdamin at kawilihan ng mga mambabasa. Halimbawa, ang taludtod na “Ang sining ng pagwawaglit ay di mahirap tupdin .” ay halimbawa ng tayutay na simili o pagtutulad kung saan ang pagwawaglit ay itinulad sa isang sining na napahuhusay ng isang tao kung patuloy ang pag-eensayo. Gumamit naman ng pagpapalit-tawag sa “Tanggaping nawala ang mga susi…”. ‘Susi’ ang salitang ginamit sa halip na mga tao, bagay o pangyayaring makapagsasabi ng kanyang nawalang katauhan.

3.     LAYUNIN NG AKDA (Pagsusuri sa kahalagahan ng akda kung bakit isinulat. Layunin ba nitong magpakilos o manghikayat, magprotesta at iba pa.)

Ang akda ay naglalayong magturo sa mga mambabasa kung paano tanggapin ang mga bagay o pangyayaring lumipas at tuluyan nang nawala sa kanyang buhay.

PAGLALAPAT NG TEORYANG PAMPANITIKAN: Mailalapat ang TEORYANG IMAHISMO sa tula. Ito ay teoryang naglalayong mabisang mailarawan ang mga kaisipan at damdamin sa akda sa pamamagitan ng paggamit ng mga imahe: ang nawalang susi; ang nasayang na oras; mga lugar na napuntahan; ang nawalang relo ng kanyang ina; ang pinakamamamahal na tahanan; ang dalawang magagandang lungsod; kaylawak na mga lupalop; dalawang ilog; at isang kontinente.
Maaari ding mailapat ang TEORYANG BAYOGRAPIKAL sapagkat higit mong mauunawaan ang tula kung aalamin mo ang mga karanasang nag-uyok sa may-akda upang mabuo ito.
 
4.     TEMA O PAKSA NG AKDA (Ito ba ay makabuluhan, napapanahon, at mag-aangat o tutugon sa sensibilidad ng mga mababasa?)
Ang tema ng tula ay tungkol sa mga sumusunod: di pagsasayang ng oras, paglimot sa nakaraan, pagsisikap para sa kasalukuyan, pag-ahon sa pagkakalugmok, at pagpapahalaga sa mga aral na natutuhan mula sa mapapait na karanasan.


5.     MGA TAUHAN/ KARAKTER SA AKDA (Ang karakter ba’y anyo ng mga taong likha ng lipunang ginagalawan, mga taong di pa nalilikha sa panahong kinabibilangan o mga taong nilikha, nagwasak, nabuhay o namatay.)

Ang persona ay tumutukoy sa nagsasalita sa tula. Gumamit ng unang panauhan ang may-akda upang ihayag ang  naranasang mga dagok sa buhay tulad ng matitinding kalungkutan at pagkabigo. Paulit-ulit itong nasasaktan kaya nakasanayan na niyang gawin ang paglimot.

6.     TAGPUAN/PANAHON (Binibigyang-pansin sa panunuring pampanitikan ang kasaysayan, kapaligiran at panahong saklaw ng isang akda bilang mga saksi ng kalagayan o katayuan ng isang indibidwal ng kanyang kaugnayan sa kapwa at lipunan.)

Nabanggit sa unang talata na naimpluwensyahan ng mga karanasan at paglalakbay ng may-akda ang kanyang tula kaya masasabing ang tagpuan at panahon ay makatotohann.
Matagal na panahon nang naisulat ang tula ngunit ang mga pangyayari dito ay maaaring maganap saan mang sulok ng mundo/ ano mang oras o panahon.


7.     NILALAMAN O BALANGKAS NG MGA PANGYAYARI (Isa bang gasgas na pangyayari ang inilahad sa akda? May kakaiba ba sa nilalamang taglay? Dati o luma na ba ang mga pangyayari o may bagong bihis, anyo, anggulo o pananaw? Paano binuo ang balangkas ng akda? May kaisahan ba ang pagkakalapit ng mga pangyayari mula simula hanggang wakas? May nautuhan ka ba sa nilalaman ng akda?)

              Kapag binasa mo ang tula, makikita mong mula sa pangkalahatang pagtingin ay unti-unti itong nagiging malalim at mababakas mo ang personal na buhay ng persona.
              Ang ilang pangyayaring isinalaysay sa tula ay di karaniwan . Halimbawa, ang paglimot ay mahirap ngunit sa tula sinasabing ito ay madaling gawain lamang. Positibo at nagbibigay ng pag-asa ang may-akda sa paulit-ulit niyang pagbanggit sa pahayag na “Ang sining ng pagwawaglit ay di mahirap tupdin.”

8.     MGA KAISIPAN O IDEYANG TAGLAY NG AKDA (Ang isang akdang pampanitikan ay nagtataglay at nagpapaliwanag sa mga kaisipang umiiral, tinatanggap at pinatutunayan ng mga tiyak na sitwasyon o karanasan. Maaari ding ang mga kaisipang ito ay salungatin, pabulaanan, magbago o palitan. Ito ba ay mga katotohanang unibersal, likas sa tao at lipunan, mga batas sa kalikasan, sistema ng mga ideya o paniniwalang kumokontrol sa buhay? Mahalagang masuri sa akda ang mga kaisipang ginamit na batayan sa paglalahad ng mga pangyayari.)

Ang mga sumusunod ay mga ideya o kaisipang nakapaloob sa tula:
·       Ang oras, ‘pag di mo pinahalagahan, unti-unti itong nasasayang.
·   Mahirap mawaglit sa isipan ang mga bagay at pangayayaring nag-iwan ng magaganda at/o mapapait na alaala sapagkat ito’y nagbibigay ng aral sa buhay
·      Dapat tanggapin ang mga bagay na naglalaho at mapapait na alaala ngunit patuloy na magsanay na makaligta maliban sa mga aral na natutuhan

9.     ESTILO NG PAGKAKASULAT NG AKDA (Epektibo ba ang paraan ng pagkakagamit ng mga salita? Angkop ba ang antas ng pang-unawa ng mga mambabasa sa pagkakabuo ng akda? May bias ba kaya ang istilo ng pagkakasulat sa nilalaman ng akda? Masining ba ang pagkakagawa ng akda? Ito ba’y may kahalagahang tutugon sa panlasa ng mambabasa at sa katangian ng isang mahusay na akda?)

               Sa unang pagbasa, tila mahirap tanggapin ang mga ipinahayag ng manunulat ngunit nang lumaon ay napatunayan niyang tumpak ang mga ito dahil sa mga pangyayaring kanyang inilahad sa bawat saknong.

Sa kabila ng kapayakan ng mga ginamit na salita, nanatiling malalim ang nilalaman at masining ang pagkakagawa ng tula. Nakatulong din ang paggamit ng mg simbolismo at mga imahe sa paglalarawan.
Hindi madali ang bumuo ng isang ‘villanelle’ simula sa bilang ng mga taludtod at saknong nito maging ang tugmaan at repran ay komplikado kayat masasabi kong mahusay ang pagkakalikha ng tula.

10.  BUOD (Hindi kailangang ibuod nang mahaba ang istorya ng akda. Ang pagbanggit sa mahahalagang detalye ang bigyang-tuon.)

Ang tula ay tungkol sa isang taong nakaranas ng mga pagkabigo at malulungkot na pangyayari sa kanyang buhay ngunit nang lumaon, dahil paulit-ulit, naging matatag siya at  natutuhang labanan ang sakit at hirap na nararamdaman. Natutuhan niyang ang sining ng pagwawaglit ay di mahirap tupdin… J


       Sanggunian: binibiningarcie.blogspot.com

4 (na) komento:

  1. Napakalaking tulong po nito sa naging pagtalakay namin! More power!

    TumugonBurahin
  2. Nakakatulong po ito sa topic namin . Hindi ko po kasi na intindihan dahil mahirap ang mga salita intindihin

    TumugonBurahin